Hugot sa Ulan

Hugot sa Ulan

Musika ang bawat patak at buhos ng ulan. Isa nga sa mga pinakamasarap pakinggan. Buhos dito, buhos doon. Nag-iiba lang ng tunog, depende sa hina at lakas nito. May kasama pang ihip ng hangin na nagbibigay ng matinding takot o pangangamba sa nakikinig.

Kung epekto ng ulan ang titignan, napakahirap bigyan ng hustisya upang hilingin na madalas natin itong marinig. Baha at kalamidad ang dulot nito sa kasalukuyan. May magandang dulot ito sa ating mga magsasaka, pero kung sa siyudad ka nakatira, hindi mo maiintindihan ang galak nila.

Ang kagandahan nito, habang pinapakinggan ito at dinadama ang malamig na simoy ng hangin, mapapa-isip ka na lang na umiiyak din pala ang langit. Nalulungkot. Nabibigatan. Napapagod. Tulad ng isang tao, kailangan din nitong ibuhos ang hindi mapigilang emosyon. Kung matagal ang pagkakaulan, lalamig ang panahon. Kung sandali lamang at pabugso-bugso, singaw at alinsangan ang madarama. Ganoon din sa ating emosyon. Kung may pagkakataon lamang na ilabas lahat, mas umiigi ang pakiramdam ng ating sarili, pati na rin ng mga tao sa ating paligid. Kapag pinigilan ang pagbuhos, mas darami ang katanungan at iinit ang sitwasyon.

Ang ulan ang isa sa mga kayang magpatigil ng gawain ng bawat isa. Kailangan natin minsang magpahinga. Huminto. Sumilong. Mag-muni-muni. Dam’hin ang ating kalagayan at tignan ang kalagayan ng iba. Gaano na nga ba kalayo ang ating narating? Gaano na nga ba karami ang ating naibigay sa iba?

Humahaba ang ating oras tuwing uulan. Hindi man natin napapansin, bumabagal ang ikot ng mga kamay sa orasan.

Pakinggan nating muli ang pagpatak ng ulan, kasabay ng pagpatak ng ating luha at pagbuhos ng ating emosyon. Pakinggan natin ang pagtigil nito, kasabay ng katahimikan ng ating puso. Tignan ang pagsikat ng araw habang nakikita natin ang liwanag sa ating buhay. Higit sa lahat, pakinggan natin ang sinasabi ng lumikha ng pag-ulan at pag-araw. Baka masyado tayong abala at nababalewala na pala natin Siya.

2 thoughts on “Hugot sa Ulan

  1. Mabigat..ngunit nagpapagaan
    Maingay..ngunit nagpapatahimik
    Yan ang ulan…bow!
    nice one aking anak..alam mo na nalulungkot ako kapag umuulan
    ngunit tanggap ko na ito ay isa
    sa panahong kaloob ng Diyos..
    may dahilan…

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *