Gusto Kong Maiba, Ngunit Gusto Kong Mapabilang

Gusto Kong Maiba, Ngunit Gusto Kong Mapabilang

Gusto kong maiba, ngunit gusto kong mapabilang.

May lugar ba ako sa mundong ito?

Ngunit paano ako magkakalugar kung wala naman akong pagkatao?

Napakalaking palaisipan sa akin kung bakit nga ba ako nahihirapan sa mga panahong ito. Marami akong gusto, ngunit mas pinili ko ang gusto ng iba. Minsan iniisip ko, kung naging ibang tao ako, matatanggap kaya ako ng karamihan?

Pero ito ang katotohanan. Nandito ako at ito ako.

Marami akong bagay na ginawa noong aking kabataan, hindi dahil gusto ko talaga sila, ngunit dahil ito ang magiging paraan para matanggap ako at mapabilang sa aking pamilya, mga kaibigan, paaralan, at simbahan. Oo, gusto kong gawin ang mga iyon at bukal sa loob ko, pero kung susuriin hanggang sa pinakailalim, gusto ko lang pala talagang matanggap at mahalin ng ibang tao.

Pero dumating din ang pagkakataon na napagod akong magbigay dahil naubos na ang laman ng bukal. Ngayon, ako naman ang nangangailangan. Nauuhaw ako sa pagkaubos ng luha ko.

Umaasa ako na babalik sa akin ang mga naibigay ko, kasi sabi nila, kung ano ang itinanim, siya ang aanihin. Naghintay ako, ngunit iilan lang ang bumalik.

At hindi naman ako pwedeng huminto sa aking pagbibigay, dahil bahagi ito ng pagiging tao at ng aking pagkatao. Ngunit pakaunti nang pakaunti ang aking nailalabas.

Maulan man ang panahon ngayon, ngunit tagtuyo ang kaluluwa ko. Nasaan na ang mga taong tinatawag kong “kaibigan?”

Habang tumatagal, lalong natutuyo. Ngunit sa tagtuyo ko nalalaman na hindi pala sa kanila makukuha ang tubig na hinahanap ko, ang tubig na bumubuo sa pagkatao ko.

Buong buhay ko, inasa ko ang pagkabuo ng pagkatao ko sa pagtanggap ng iba, at noong naglaho sila, gumuho din ako.

Hindi ko alam paano ibabalik ang mga piraso ng aking sarili dahil wala naman akong naging sarili. Wala ng pangarap. Wala ng dahilan.

Hindi na nga ako napabilang, hindi pa ako naiba.

Pero nakalimutan ko na hindi pala nabubuo ang pagkatao ko sa mga ginagawa ko. Sa halip, binubuo ito ng May Likha sa akin, kahit wala akong gawin.

Hindi ko man nakikita at nararamdaman, pero unti-unting nagkakalaman ang bukal ng aking puso. Ngayon, hindi ito napupuno dahil sa pagtanggap ng iba, ngunit dahil sa grasya, pagliligtas, pagtanggap, at pagmamahal ng Diyos Ama.

At dahil napupuno na, unti-unti na ring makakapagbigay sa iba. Si Hesu-Kristo ang pinagmumulan, hindi ang sarili ko.

Gusto kong maiba, ngunit gusto kong mapabilang. Ang dating palaisipan, nagiging katotohanan.

Naiiba ako dahil ito ang pagkakalikha sa akin ng Diyos, ngunit napapabilang ako sa pamilya Niya sa pamamagitan ni Hesu-Kristo. Wala na akong kailangang patunayan.

At ngayon, masasabi kong, “Naiiba ako, ngunit napapabilang.” 🙂

Digiprove sealCopyright © 2020 Jarys Sibal

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *